-- Advertisements --
CUADRA KILLING 4

BACOLOD CITY – Patay ang anak ng convicted drug lord sa lungsod ng Bacolod makaraang pinagbabaril ng mga suspek sa harap ng isang kainan sa BS Aquino Drive, Bacolod City nitong Sabado ng hapon.

Ayon kay PMaj. Sherlock Gabana, station commander ng Bacolod Police Station 2, ang biktimang si Gerald Cuadra, 43-anyos, residente ng Barangay 1, Bacolod City ay pinagbabaril dakong alas-2:25 ng hapon.

Batay sa mga nakasaksi sa krimen, riding-in-tandem suspects ang naghintay kay Cuadra sa harap ng isang burger station at kaagad na nilapitan ng angkas nang bumaba ito sa kanyang pick-up at pinagbabaril ng ilang beses.

Kaagad naman silang tumakas sakay sa itim na motorsiklo na walang plate number.

Narekober sa crime scene ang pitong empty shells ng .45-caliber pistol ngunit hindi pa matutukoy kung saan ang tama ng biktima dahil isasailalim pa sa autopsy examination ang bangkay nito.

Paliwanag ni Gabana, si Cuadra ay bibisita sa kanyang misis na naka-confine sa Riverside Medical Center kaya’t kanilang tinitingnan na sadyang binantayan ito ng mga suspek.

Ayon sa mga saksi, matagal nang naghihintay ang mga suspek bago dumating ang biktima.

Aminado ang hepe na si Cuadra ay nasa drugs watchlist ng Bacolod City Police Office.

Siya ay anak ng drug lord na si Jose Kim “Boy” Cuadra na naconvict sa kasong drug trafficking at nahatulan ng life imprisonment noong taong 2006.

Noong taong 2009, binaril din ang biktima sa Lacson Street, Bacolod City kung saan nagtamo ito ng sugat sa kanyang balikat at tiyan ngunit nakaligtas.

Buwan ng Mayo taong 2016, nahuli si Gerald matapos ni-raid ng mga pulis ang kanilang bahay sa Barangay 1 kung saan nakumpiska ang tinatayang P1.2-milyong halaga ng shabu at mga baril ngunit nadismiss ang kasong isinampa laban sa kanya dahil sa nullity ng search warrant na inihain ng mga pulis.