-- Advertisements --

LAOAG CITY – Kailanman ay hindi magiging hadlang ang pagiging mahirap sa pag-abot ng minimithing pangarap.

Ito ang pinatunayan ni Mr. Christian Paul Lazaro na residente ng Brgy. San Lorenzo, Bangui, Ilocos Norte na anak ng isang fish vendor matapos naging Top 8 sa Agriculturist Licensure Examination.

Ayon kay Lazaro, naging malaking hamon sa kanya noong siya ay nilagnat, dalawang araw bago ang eksaminasyon.

Gayunpaman, sinabi niya na may sapat siyang tulog at pahinga para hindi maging hadlang ang kanyang masamang pakiramdam sa kanyang pagsusulit.

Aniya, hindi matatanggal ang stress at pressure habang siya ay nagre-review ngunit hindi niya hinayaan na mawawala siya sa pokus at pag-intindi sa kanyang pag-aaral.

Samantala, naging inspirasyon at motibasyon niya ang kanyang ina na doble-kayod sa pagtatrabaho upang maitaguyod silang magkakapatid lalo’t apat na taon pa lamang siya ay namatay na ang kanyang ama.

Sa ngayon, nais ni Lazaro na makahanap agad ng trabaho para makatulong at masuklian ang naging sakripisyo ng kanyang ina sa kanyang pag-aaral.