LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Bicol na pinaghahanap ngayon ng mga alagad ng batas ang anak ng pinaslang na si Batuan, Masbate Vice Mayor Charlie Yuson III.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PNP CIDG Bicol chief PCol. Arnold Ardiente, nahaharap umano si re-elected Mayor Charmax Jan Yuson sa kasong Illegal Possession of Firearms at Explosives na non-bailable offense.
Nag-ugat ang kaso sa isinagawang raid sa bahay at resort nito noong Pebrero ng kasalukuyang taon kung saan nakumpiska ang mga iligal na armas at pampasabog.
Ayon pa kay Ardiente na mula Hulyo nang ibaba ang arrest warrant laban sa nakababatang Yuson, nagtatago na umano ito at hindi na mahagilap pa.
Negatibo rin ang mga lugar na pinuntahan ng team kung saan sinasabing nakita ang alkalde habang walang impormasyon sa posibilidad na nakalabas na ito ng bansa.
Giit pa ng opisyal na lehitimo ang isinagawang operasyon na kontra sa sinasabi ng kabilang kampo na hindi sa kanila ang mga armas na posibleng “planted”.
Samantala sa hiwalay na panayam kay Municipal Councilor Emil Glenn Yuson, nananatiling walang komunikasyon kay Mayor Charmax.
Hindi rin aniya batid ng pamilya kung nalaman na ng alkalde ang sinapit ng ama nito.