BUTUAN CITY – Ibinahagi ng kauna-unahang summa cum laude sa Caraga State University (CSU) ang kaniyang kahirapan na siyang nagbigay-inspirasyon sa pagsisikap nito sa buhay.
Ayon kay Abzonie Reño, taga-Barangay Villa Kanga, lungsod sa Butuan, noon pang 2008 ito nagtapos sa sekondarya ngunit pinili niyang lumuwas sa Maynila upang magtrabaho at makatulong sa kanyang inang isang labandera at hiwalay sa asawa.
Sa loob ng pitong taon sa Maynila, nagtrabaho ito bilang factory worker, janitor, security guard, house boy, baker, at service crew.
Bumalik ito sa Butuan City nang malamang may K-to-12 program ang Department of Education.
Matagumpay naman itong nakakuha ng scholarship sa CSU matapos napasama sa mga highest scorer sa entrance examination.
Inihayag ni Reño na hindi niya inaasahang maging summa cum laude ngunit dahil sa kaniyang pagsisikap, nakuha nito ang average rating na 1.1675 sa kursong Bachelor of Science in Secondary Education major in Mathematics.
Inamin rin nito na nakaramdan siya ng pressure sa darating na board exam ngunit sinisikap nitong hindi matitinag dahil ang mahalaga umano ay ang pumasa nito.
Plano naman nitong mag-abroad ngunit umaasa siyang mababago ang isip lalo na’t mas magandang magserbisyu sa sariling bayan.
Kaugnay nito, pinasalamatan ni Reño ang lahat ng nagbigay ng suporta sa kaniya lalo na ang kaniyang ina.