LAOAG CITY – Isang anak ng magsasaka at maybahay ang nakakuha ng Rank 3 sa katatapos na April 2025 Electronics Technicians Licensure Examination.
Ayon kay Ms. Althea Joy Tabula, hindi niya inaasahan na papasa ito lalo na’t isa siya sa mga topnotchers na nakakuha ng 93.00% rating.
Aniya, ang pangunahing pagsubok na kanyang hinarap sa eksaminasyon ay ang pressure at pagdududa sa kanyang sarili kung papasa siya o hindi.
Ipinaliwanag niya na ito ang unang pagkakataon na kumuha siya ng board examination na para sa kanya ay napakahirap.
Sinabi niya na may kapatid ang kanyang kaibigan na isang Electronics Engineer na naging inspirasyon niya sa pagkuha ng kursong Bachelor of Science in Electronics Engineering.
Kaugnay nito, sa 31 na kumuha ng pagsusulit mula sa Mariano Marcos State University, 29 dito ang pumasa na may markang 93.55% na mas mataas sa passing rate na 81.75% na national average.
Samantala, isa si Althea Joy sa 1,971 na bagong Electronics Technicians sa buong bansa.