Anak ng Mayor Iloilo, isa sa sinampahan ng kaso ng Securities and Exchange Commission ng Estados Unidos kaugnay sa P35B scam
ILOILO CITY- Handang makipagtulungan sa United States Government ang pamilya ni Mina, Iloilo Mayor Lydia Grabato matapos na napabilang ang kanyang anak sa sinampahan ng kaso ng Securities and Exchange Commission ng Estados Unidos.
Ito ay si Rey Grabato na tinuturong isa sa mga involved sa pag-operate ng $600-million o P35 billion Ponzi-like property scam na nangbiktima ng libo-libong investors kabilang na ang daan-daang retirees.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Mayor Lydia Grabato, sinabi nito na sa ngayon ,hinahantay nila ang hakbang ng gobyerno ng Estados Unidos kaugnay sa kaso upang madepensahan ng kanyang ang sarili.
Ayon kay Mayor Grabato, ang kanyang anak ay umuwi sa Mina, Iloilo noong nakaraang Mayo kasunod ng kanyang pag-resign sa trabaho sa Estados Unidos matapos nga naaksidente ito at dineklara ng kaniyang kompaniya bilang incapacitated.
Napag-alaman na sa complaint ng Securities and Exchange Commission sa Estados Unidos, ang kaso ay isinampa laban sa New Jersey-based luxury property firm National Realty Investment Advisors LLC at sa former executives na sina Rey Grabato II, Daniel Coley O’Brien, Thomas Nicholas Salzano, at Arthur Scutaro.
Ang Ponzi scheme ay isang uri ng scam na nag-ge-generate ng “returns” gamit ang perang nakolekta sa bagong investors.
Ang nasabing complaint ng US SEC ay isinampa sa federal court sa district of New Jersey.