-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Binawian ng buhay ang anak ng isang lider ng Moro National Liberation Front (MNLF) dahil insidente nang pamamaril sa lalawigan ng Maguindanao.

Nakilala ang nasawi na si Datu Qudzi Simpal, 25, government employee at taga-Barangay Upper Capiton, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.

Sugatan din ang driver ng traysikad o payong-payong na si Muhidin Kamid habang nakaligtas ang kasintahan ni Simpal.

Ayon sa ulat ng Datu Odin Sinsuat PNP, habang sakay ang mga biktima sa traysikad sa bahagi ng national highway sa kanto ng Broce papasok ng SPDA sa Brgy Semba, Datu Odin Sinsuat ay bigla silang dinikitan ng riding in tandem suspects at pinagbabaril gamit ang kalibre .45 na pistola.

Mabilis namang tumakas ang mga salarin patungo sa direksyon ng Cotabato City.

Patay on the spot si Simpal na tinamaan sa ulo at likod, sugatan naman ang traysikad driver at nakaligtas ang kasintahan ni Simpal.

Ang nasawi ay anak ng isang mataas na lider ng MNLF sa ilalim ng grupo ni Prof Nur Misuari.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station sa pamamaril sa mga biktima.