LEGAZPI CITY – Sa ikatlong pagkakataon, sa kulungan ang bagsak ng itinuturing na Rank No. 3 sa Provincial High Value Target List sa Masbate.
Inaresto si Isagani Delavin Jr., alyas “Panong,” sa isinagawang buy bust operation sa Barangay Syndicate, bayan ng Aroroy.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PSt/Sgt. Adrian Panganiban, imbestigador ng Aroroy-Philippine National Police, labas-pasok sa kulungan na si alyas Panong dahil sa mga kasong may kinalaman sa iligal na droga subalit nakakapagpiyansa.
Sa muling pagkahuli kay Delavin, narekober dito ang marked money at dalawang sachet ng pinaniniwalaang shabu na may market value na P4,000.
Nabatid namang anak si Delavin ng isang retiradong school’s division superintendent.
Sa kasalukuyan, nakasuhan na ito sa pamamagitan ng inquest proceeding sa Masbate Provincial Prosecutor’s Office at inaasahang makikipag-ugnayan sa mga otoridad upang maaresto rin ang supplier nito.