DAVAO CITY – Hindi nagpapigil ang first-timer na atleta mula Western Visayas para makuha ang inaasam-asam na gintong medalya sa ikalawang araw ng Palarong Pambansa 2019.
Humataw nang husto ang 17-anyos na si Alfrenze Braza ng Mandurriao, Iloilo City, para masungkit ang gold sa 5,000-meter event.
Ayon kay Braza, hindi niya inaasahang magwawagi ito lalo pa’t isa sa kanyang mga katunggali ang defending champion noong Palaro 2018 sa Ilocos Sur na mula sa Northern Mindanao.
Inamin din nito na pressured siya dahil isa ang Western Visayas sa itinuturing na mga powerhouse teams sa athletics.
Inspirasyon naman ni Braza ang kanyang mga magulang kung saan ang kanyang ama ay nagtatrabaho bilang security guard, at housewife naman ang kanyang ina.
Ikinuwento rin ng atleta na sumasali ito sa mga kompetisyon at ang kanyang nakuhang premyo ay ginagamit para sa pang-araw-araw nilang gastusin.
Sa nasabi ring kompetisyon, inangkin ng pambato ng Bicol na si Jaspher Delfino ang silver medal, habang bronze naman kay Ritchie Estampador ng Region 6.