LEGAZPI CITY – Hindi pa rin makapaniwala hanggang sa ngayon ang anak ng tricycle driver sa Albay na pasok sa top 10 ng 2019 Social Worker Lisensure Exam.
Ayon kay Cristy Bombita sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, hindi biro ang kaniyang pinagdaanan sa pagre-review bago ang pagsusulit kaya hindi niya inakala na mapapabilang siya sa top 10.
Nagtapos ito sa Bicol University Tabaco Campus at nakakuha ng rating na 81.20 percent.
Kuwento nito na nagtungo sa Maynila ang kanyang ina kaya siya ang tumayong ate at nanay sa kasagsagan ng kaniyang pagre-review at ginagawa pang umaga ang gabi dahil sa dami ng gawaing bahay.
Aniya, time management ang naging susi upang mapagsabay ang pag-aaral at ang mga responsibilidad bilang isang anak.
Dagdag pa ni Bombita na inspirasyon niya ang mga magulang upang pagbutihin ang pagre-review lalo pa at madalas umano silang kinukulang sa pinansyal.
Si Bombita ay pang-apat sa anim na magkakapatid at nag-iisang may bachelor degree.
Aminado rin itong malaki ang naging epekto sa kaniya ng mabigong magtapos bilang cum laude sa kolehiyo subalit hindi aniya nawalan na pag-asa na magtatagumpay sa buhay at magsilbi ring inspirasyon sa ibang tao.