GENERAL SANTOS CITY – Binulabog mula sa umalingawngaw na mga putok ng baril kagabi ang mahimbing na pagtulog ng ilang mga residente matapos ang nangyaring shooting incident sa Carcon Village, Brgy. Lagao, GenSan.
Sa sumunod na pangyayari tumambad na lamang ang katawan ng isang lalaki na may tama ng baril na kaagad namang nakilala na anak ng dating sikat na boksingero na si Rolando Navarrete, 62.
Dead on arrival sa ospital ang biktima na si Rolando Navarette II, 23, residente sa nabanggit na lugar.
Nag-iimbestiga pa ang pulisya sa motibo ng krimen at pagkakilanlan ng mga suspek na umano’y gumamit ng motorsiklo bilang getaway vehicle matapos ang pamamaril.
Batay sa boxing record, ang dating Filipino boxer ay may kabuuang 74 fights kung saan 56 ang panalo, 33 knockouts habang 15 ang talo.
Ang dating world champion na tinaguriang “Bad Boy from Dadiangas” ay nasangkot sa maraming gulo at away sa lungsod nang magtapos ang kaniyang pamamayagpag sa larangan ng boksing.