-- Advertisements --

Kinumpirma ni US President Donald Trump na napatay umano sa isang counter-terrorism operation ng Estados Unidos si Hamza bin Laden, ang anak ng lider ng terrorist group na al Qaeda na si Osama bin Laden.

Sa pahayag ng White House, nangyari umano ang operasyon sa bahagi ng rehiyon ng Afghanistan at Pakistan.

“The loss of Hamza bin Ladin not only deprives al-Qa’ida of important leadership skills and the symbolic connection to his father, but undermines important operational activities of the group,” saad sa pahayag.

Si Hamza, na pinaniniwalang nasa 30-anyos, ay kasama ng kanyang ama bago ang pag-atake sa US noong Setyembre 11, 2001.

Una nang napaulat noong Hulyo na nakakuha raw ng impormasyon ang Washington na napaslang na raw si Hamza, ayon sa ilang mga US officials.

Anang mga opisyal, nangyari raw ito dalawang taon na ang nakalilipas.

Subalit sa inilabas na pahayag ng White House, ito ang unang pagkakataon na kinumpirma ng gobyerno ng Estados Unidos ang naturang operasyon. (CNN/ Reuters/ NBC)