-- Advertisements --

Naghain ang federal prosecutors ng mga kaso laban kay Hunter Biden, anak ni US President Joe Biden. Kabilang sa mga kasong ito ang tatlong felonies at anim na misdemeanors partikular na ang hindi paghain at pagbayad ng buwis na umaabot sa mahigit isang milyong dolyar mula 2016 hanggang 2019.

Subalit para sa abogado ni Biden, ito ay isang uri ng pamumulitika. Isinama kasi ng mga congressional republicans ang business dealings ni Hunter Biden sa inilalakad na impeachment laban kay President Joe Biden na balak na muling tumakbo para sa halalan sa susunod na taon.

Sa mahigit limampung pahinang kasong isinampa sa California, sinabi ng mga prosekyutor na ginastos ng anak ng presidente ng US ang pera sa droga, mga babae, marangyang hotels, mamahaling kotse at iba pang mga luho nang walang binabayarang buwis.

Dagdag pa ng prosekyutor, nakatanggap daw ang nakababatang Biden ng pitong milyong dolyar mula 2016 hanggang 2020 pero kusang hindi nagbayad ng buwis sa mga taong ito kahit pa may pambayad naman umano ito.