-- Advertisements --

LAOAG CITY – Patay ang isang binata nang pagbabarilin ng sariling ama sa Brgy. 22, San Guillermo sa bayan ng San Nicolas dito sa lalawigan ng Ilocos Norte.

Nakilala ang biktima na si Jovanie Cabbat, 25 taong gulang habang ang suspek na ama ng biktima ay si Fermin Cabbat, 57 taong gulang na isang retiradong Philippine Army na kapwa residente ng nasabing lugar.

Ayon kay P/Capt. Randy Damo, Hepe ng San Nicolas Municipal Police Station, ang sanhi ng pamamaril ay dahil nagselos umano ang suspek sa kanyang asawa at nagalit, dahilan upang ilabas ang mga damit at sinunog ang mga ito.

Kaugnay nito, nakita ng isa sa mga anak ng mag-asawa ang insidente at pinuntahan ang ama, saka umano sinuntok ito sa mukha.

Dahil sa sobrang galit, kinuha ng ama ang baril sa kanyang kwarto at ilang beses pinagbabaril ang anak na nagtamo ng tama sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Narekobre mula sa pinangyarihan ang dalawang 5.56 magazine at dalawang 7.62 magazine kabilang ang limang kapsula.

Nabatid din na naaresto ang suspek sa isang search operation noong 2014 kung saan nakuhanan siya ng baril at mga pampasabog.

Samantala, haharap ang suspek sa kasong Parricide at Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Sa ngayon, nasa kulungan na ang suspek at kasalukuyang pinaghahanap ng pulisya ang baril na ginamit sa naturang insidente.