LA UNION – Kulungan ang bagsak ng isang anak matapos nitong patayin ang kanyang sariling ina dahil lamang sa away sa Social Amelioration Program (SAP) ng gobyerno sa Barangay Amlang sa bayan ng Rosario, La Union.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay P/Capt Joel Cabaddo deputy chief ng Rosario Police, sinabi nito na pera umano ang dahilan kaya nangyari ang krimen.
Ayon kay Cabaddo, humihingi umano ng pera ang suspek na si Omar Casilla, 34, binata, at construction worker sa kanyang ina na si Pacita Casilla, 59, vegetable vendor kapwa residente ng nasabing lugar.
Iginigiit ng suspek na P5,500 ang natanggap ng biktima ngunit P4,500 lamang ang natanggap ng huli sa SAP.
Dito na uminit ang argumento ng mag-ina kung saan pinagtataga ng suspek sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang sarili nitong ina.
Sa ngayon nakakulong na ang suspek habang disedido naman ang kapatid ng suspek na sampahan ito ng kaso.