NAGA CITY – Mariing pinabulaanan ng grupong Anakbayan na may malaking bahagi ang kanilang organisasyon sa isyu nang pagsapi ng mga kabataan sa mga progresibo o rebeldng grupo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Sassah Sta Rosa, tagapagsalita ng Anakbayan-Bicol, sinabi nitong wala silang ginagawang recruitment sa mga kabataan para sumali sa kanilang grupo.
Ayon kay Sta. Rosa, kusang lumalapit sa kanila ang mga kabataan para maipahayag ang kanilang mga saloobin.
Aniya, malinaw na ginagamit lamang ng ilang mga opisyal ang alitan sa pagitan ng mga magulang at mga aktibibistang anak para ipakita na may pakialam sila sa mga pamilyang Pilipino.
Ayon kay Sta. Rosa, wala naman aniyang katotohanan na may nawawalang mga kabataan at menor de edad na sinasabing na-recruit ng mga makakaliwang grupo sa halip may problema lamang aniya sa pamilya kung kaya hindi umuuwi ang isa sa mga pinaghahanap na kabataan.
Sa kabilang dako, nanindigan naman si Sta. Rosa na bukas naman ang Anakbayan na humarap sa mga mambabatas at ipaliwanag din ang kanilang grupo.