-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Naniniwala ang isang political analyst na maaaring mangyari ang pagpalit ng liderato ng pagka-Speaker sa kasagsagan ng pagbubukas ng special session ng Kamara bukas.

Sa harap pa rin ito ng girian ng kampo nina Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco kaugnay sa pagkapinuno sa mababang kapulungan ng Kongreso.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Prof. Ramon Casiple, executive director ng Institute For Political and Electoral Reform, ito ang posibleng mangyari upang pahupain ang tensyon sa pagitan ng kampo nina Cayetano at Velasco na mayroong term sharing agreement na inayos ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Inihayag ni Casiple na bagamat lumalabas na hawak na ng Velasco camp ang sapat na numero para iluklok ito sa bilang Speaker, labag naman daw sa mga patakaran ng lower chamber ang pagtitipon ng mga kongresista na wala ang presensya ni Cayetano bilang lider ng Kamara.

Dagdag ng political analyst na malaki ang factor o epekto ng endorsement ni Mayor Sara kay Velasco para umalis ang maraming mga kongresista sa panig ni Cayetano.