Masaya umano si world junior bantamweight king Jerwin Ancajas nang malaman na sisimulan nang muli ng kanyang promoter na Top Rank ang pagsasagawa ng fight cards sa Hunyo.
Ayon kay Ancajas, excited na raw siya na muling tumungtong sa ibabaw ng ring lalo pa’t matagal-tagal din itong hindi nakakalaban.
Bagama’t wala pang ibinibigay sa kanya na petsa si Bob Arum kung kailan matutuloy ang laban nila ni Jonathan Rodriguez ng Mexico, sinabi ni Ancajas na sigurado daw siyang matutuloy ang bakbakan na orihinal na naka-schedule noon pang Abril 12.
Aminado naman ang Pinoy boxer na nakakapanibago para sa kanya na makipag-upakan sa kanyang kalaban na walang nanonood na mga fans.
Gayunpaman, hindi raw problema sa kanya kung lalaban itong walang manonood sa arena, bilang pag-iingat pa rin sa COVID-19.
Aniya, ang mga totoong boxing fans ay hahanap at hahanap ng paraan para mapanood lamang ang sagupaan.