-- Advertisements --

Mananatili pa rin umano sa Estados Unidos si Jerwin Ancajas kahit na na-postpone ang nakatakda sana nitong pagdepensa sa kanyang IBF super-flyweight title kontra sa Mehikanong si Jonathan Javier Rodriguez.

Magugunitang hindi natuloy ang bakbakan sana nina Ancajas at Rodriguez dahil nabigo ang Mexican boxer na makuha ang kaniyang visa patungong Estados Unidos para sa laban na magaganap sana bukas.

Ayon kay Ancajas, nagkasundo raw sila ng kanyang trainer na si Joven Jimenez na huwag umuwi at ituloy na lamang ang pagsasanay nito sa Las Vegas.

Nabuhayan naman ng pag-asa si Ancajas nang mabatid na posibleng matuloy ang kanyang title defense sa Disyembre 7 sa Puebla, Mexico.

Inamin ni Ancajas na noong una raw ay nadismaya ito sa pag-postpone sa kanyang laban pero kanya na itong natanggap kalaunan.