Matagumpay na nadipensahan ni Jerwin Ancajas ang kanyang IBF Jr. Bantamweight belt sa ika-siyam na pagkakataon matapos na talunin si Miguel Gonzales sa ika-1:04 mark ng kanilang bakbakan sa Auditorio GNP Seguros, Puebla sa Mexico.
Hinigpitan ni Gonzales ang dipensa nito sa sixth round nang paulanan ng suntok ng Pinoy boxer.
Hindi na pinakawalan pa ni Ancajas ang magandang pagkakataon na ito hanggang sa pinigil na lamang siya ng referee nang makita na hindi na nakakaganti pa ng suntok si Gonzales.
Tila hindi nakaapekto ang matagal na pagpapahinga ni Ancajas sa kanyang performance sa laban ngayong araw dahil sa simula pa lamang ay agresibo na ito.
Pagsapit ng second round ay nagsimula nang mamaga ang kanang mata ni Gonzales dahil sa mga tinamong suntok mula kay Ancajas.
Naging close range ang bakbakan ng dalawa pero hindi nagpatinag si Gonzales sa kabila ng natatangap na suntok mula kay Ancajas hanggang sa sixth round.
Nabatid na lalaban sana si Ancajas noong Nobyembre 2 sa Stockton, California kontra Jonathan Rodriguez pero nakansela ito dahil sa naging problema sa visa.