Asam ngayon ni Pinoy boxer Jerwin Ancajas na makabalik na sa boxing ring sa Abril makaraang maging inactive noong nakalipas na taon dahil sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay Sean Gibbons ng Manny Pacquiao (MP) Promotions, balak nilang ilaban si Ancajas sa Mehikanong si Jonathan Rodriguez, kung saan nakataya ang hawak nitong IBF junior-bantamweight title.
“I believe by next Wednesday, we’ll have a date, we’ll announce that fight, and once we take care of Rodriguez, everybody’s on the table,” wika ni Gibbons sa isang panayam.
“The date we’re looking at is April. We’re trying to get in the ring by April,” dagdag nito.
Huling lumaban si Ancajas noong Disyembre 2019 nang patumbahin nito si Miguel Gonzales sa loob ng ikaanim na round upang magtagumpay sa ikawalong beses na pagdepensa nito sa kanyang IBF belt.
Kasalukuyan namang nasa Los Angeles si Ancajas kasama ang kanyang coach na si Joven Jimenez at ang kapwa boksingerong si Jonas Sultan.