-- Advertisements --

Sinimulan ng Komite ng Legislative Franchises sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Parañaque City Rep. Gus Tambunting ngayong Huwebes ang imbestigasyon, bilang ayuda sa lehislasyon, sa paggigiit sa balita na inere sa SMNI na gumastos umano si Speaker Ferdinand Martin Romualdez ng halagang P1.8-bilyon sa kanyang mga byahe ngayong 2023.

Iginiit ni SMNI broadcaster Jeffrey “Ka Eric” Celiz sa programang “Laban Kasama ang Bayan” noong Lunes, na umano’y ipinaabot sa kanya ng isang kawani ng Kongreso.

Pinilit ni Quezon Rep. David “Jay-Jay” Suarez na ibunyag ang kanyang source, subalit sinabi lamang ni G. Celiz na ang kanyang source ay isang lingkod-bayan mula sa Senado.

Nang pinilit nina Rep. Suarez at Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales, Jr. ang kanyang source, nanindigan si G. Celiz sa kanyang karapatan na nakasaad sa Republic Act 53, o ang “Sotto Law” na nagpoprotekta sa mga mamamahayag sa pagsisiwalat sa kanilang mga sources sa pagbabalita. Subalit ayon kay SDS Gonzales, ang 6173, o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, lalo na ang Section 4, Paragraph C, ay nagsasaad na ang mga public officials at employees ay dapat na manatiling tapat at totoo sa kanilang mga sarili sa lahat ng oras.

Ipinaliwanag ni Celiz na layon lamang ng source na magtanong, at idinagdag na ang kanyang tanong ay walang masliya.

” And if kailangan po ulitin dito sa Komite, ang paghingi po ng pag unawa tungkol sa pangyayari na yan, na nasaktan ang integridad ni Speaker Martin Romualdez, at ng institution ng Kongreso dahil sa ganitong pangyayari, I take full responsibility. In behalf of the program, anchor, in my personal capacity, and even from the station,” sa paghingi ng paumanhin, at sinabing ang pangyayari ay isang ”a hard learned lesson,” at binigyang diin na dapat lamang na mag-ingat sa pagbeberipika ng mga sources.

Kahit pa inako ni G. Celiz ang responsibilidad sa maling paggigiit, sinabi ni Rep. Suarez na responsibilidad rin ng SMNI na tiyakin na ang mga ineereng balita ay wasto.

Hiniling niya rin sa Komite na ipadala sa Senado ang trancript ng pagdinig para makatugon ang Senado dahil hindi ito simpleng akusasyon.

Sumang-ayon naman si Committee Chair Tambunting at sinabing kasisimula pa lamang ng imbestigasyon. “This is about the franchise of the network, not you (Mr. Celiz) per se. That’s why the question is, was there an infraction? If there was an infraction, what will Congress do? So doon ho tayo pupunta,” wika ni Tambunting.

Ibinahagi naman ni House Secretary General Reginald Velasco sa Komite na ang mga nagastos ng Office of the Speaker sa foreign travels mula Enero hanggang Oktubre 2023, kabilang ang mga staff ng Office of the Speaker, ay umabot sa halagang P4.347 milyon lamang.

Ang gastos naman sa lahat ng mga mambabatas at secretariat ay sa mga official trips ay umabot sa P35.207 milyon lamang. Sa pangakalahatan, ang nagasta ay P39.605 milyon.

Kinumpirma at bineripika ni Finance Department Deputy Secretary General Dante Roberto Mailing ang ulat ni SecGen Velasco.

Isinagawa ng Komite ang imbestigasyon sa bisa ng: 1) Privilege Speech ni Rep. Suarez sa plenaryo noong ika-28 ng Nobyembre 2023 hinggil sa fake news na ginagawa ng SMNI laban kay Speaker Romualdez; 2) HR 230 at HR 1428, na bumabatikos sa ginagawang fake news at walang katibayan na red-tagging ng mga indibiduwal, grupo, at mga organisasyon ng SMNI, na inihain nina ACT TEACHERS Rep. France Castro at Rep. Arlene Brosas, ayon sa pagkakasunod.