-- Advertisements --

DAGUPAN CITY — Naaagnas na nang matagpuan ng mga awtoridad ang katawan ng isang 22-anyos na babae sa isang palayan ilang araw matapos itong maireport na nawawala sa bayan ng Anda.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PMaj. Mark Tubadeza, Officer-in-Charge ng Anda Municipal Police Station, sinabi nito na nadiskubre ng isang concerned citizen ang bangkay ng biktima na kinilalang si Lowilyn Caniedo na nakahandusay at wala nang saplot sa ibabang bahagi ng katawan nito sa isang palayan sa Brgy. Cabungan sa nasabing bayan.

Lumalabas sa kanilang imbestigasyon na umalis ang biktima ng kanilang bahay isang gabi ng Huwebes.

Base sa kanilang pagtatanung-tanong ay napagalaman nila kung saan unang pumunta ang biktima bago ang insidente at doon sinimulan ng mga kapulisan ang kanilang karagdagang pagsisiyasat.

Saad ni Tubadeza na mayroon na silang nakikita na maaaring makatulong sa nagpapatuloy nilang imbestigasyon, partikular na ang ilang mga personalidad na maaaring nakasama ng biktima.

Dagdag pa nito na base na rin sa mga pangyayari ay may posibilidad na nagahasa ang biktima. Gayunpaman ay kinakailangan pa rin nitong dumaan sa ilang mga eksaminasyon gaya ng medikal, rape kit, at maging sa autopsy upang matukoy ang sanhi ng pagkasawi nito.

Kaugnay nito ay nakatakda namang kasuhan ang mga suspek ng Rape with Homicide kung sakaling matukoy ang mga sangkot sa naturang krimen.

Tiniyak naman nito na gagawin nila ang lahat ng kanilang makakaya upang maibigay sa pamilya ng biktima ang hustisya.

Nananawagan naman ito sa publiko na kung mayroon silang impormasyon na makatutulong sa imbestigasyon ng kapulisan ay kaagad namakipagugnayan sa kanilang himpilan upang mas mapabilis pa ang pagresolba ng kaso at maibigay sa pamilya ng biktima ang hustisya.

Nagpaalala rin ito sa publiko na mag-ingat kung aalis o uuwi ng kanilang bahay, at huwag sumama o makikiinom sa kung kanino lamang upang maiwasan ang mga hindi kanais-nais na mga pangyayari.