Nailipat na sa New Bilibid Prisons (NBP) ang mga akusado sa Maguindanao massacre case na nahatulang guilty sa pagpatay sa halos 60 biktima, base sa desisyon ni Quezon City Regional Trial Court Branch 221 Judge Jocelyn Solis-Reyes.
Pasado alas-2:00 ng hapon nang dumating sina dating Datu Unsay mayor Andal Ampatuan Jr. at iba pang pangunahing akusado sa krimen.
Bantay sarado sila ng mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa pag-alis sa BJMP facility, hanggang makarating na national penitentiary.
Sinalubong naman ang kanilang convoy ni BuCor Dir. Gen. Gerald Bantag at idiniretso sa maximum security compound ang massacre case convicts.
Tiniyak din ni Bantag na walang espesyal na magiging pagtrato kina Ampatuan, kahit mga dati pa itong opisyal sa probinsya ng Maguindanao at tinagurian pa ng ilang residente bilang “war lords” sa rehiyon.