BUTUAN CITY – Pinuri ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar ang mga nasa likod ng matagumpay na hosting ng Pilipinas sa 30th Southeast Asian o SEA Games.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ng opisyal na umani ng papuri sa buong mundo ang ginamit na mga world class facilities sa New Clark City sa Tarlac, kaya’t asahan na umano ang maraming mga international activities na gagawin sa bansa sa mga susunod na taon.
Patunay nito ay ang desisyon ng World Swimming Organization (WSO) na dito sa Pilipinas gagawin ang World Swimming Competition sa susunod na taon o di kaya’y sa 2022.
Dagdag pa ng opisyal, kukunin niya ang lahat ng mga Caraganons athlete na nakasungkit ng mga medalya sa 30th SEA Games upang irekomendang mabigyan ng tamang pagkilala.