-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Nagsimula nang maranasan sa ilang matataas na bayan sa Benguet ang andap o frost kasabay pa rin ng pagbaba ng temperatura sa ilang lalawigan ng Cordillera at ng Baguio City.

Ayon sa weather forecaster na si Letty Dispo, epekto pa rin ito ng northeast monsoon na nararanasan sa Luzon.

Aniya, kaninang alas-5:00 ng madaling araw ay naitala ang 10.8°C na lowest temperature ng Baguio City.

Gayunman, alas-4:00 ng madaling araw kahapon naitala ang 11°C na temperatura sa Baguio City na sinundan ng 10.4°C ng bandang alas-6:30 ng umaga at ito ang unang araw na maitala ng Baguio ang nasabing lebel ng temperatura mula BER Months ng nakaraang taon.

Sa record ng PAGASA (Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration), mas mababa ang naitatalang temperatura ng ilang bayan sa lalawigan ng Benguet gaya ng Atok, Kibungan at Buguias, gayundin sa mga matataas ding bayan ng Mountain Province at Ifugao.

Una nang sinabi ng Mount Pulag Protected Area Management Office na karaniwang naglalaro sa 4-6°C ang naitatalang temperatura sa summit ng Mount Pulag sa Kabayan, Benguet na siyang ikalawang pinakamataas na bundok sa bansa.

Batay sa record, naitala ang 6.3°C na lowest temperature dito sa City of Pines noong January 18, 1961; na sinundan ng 6.7°C noong February 23, 1963; at 6.8°C noong January 8, 1968.