Muli nang binuksan sa publiko ang ilang bahagi ng Camarines Sur Andaya at Maharlika Highways para maibsan ang nagiging traffic congestion dulot ng patuloy na pagsasaayos nito.
Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH) Region V, tatlong bahagi ng Andaya highway ang binuksan na para sa mga motorista habang isang lane naman para sa one-way traffic ang binuksan sa Maharlika Highway.
Ito ay para mapanatili ang light to moderate na traffic sa bahaging ito para sa mga papauwing Bicol Region.
Sa kabila naman ng patuloy na pagsusungit ng panahon sa naturang lugar ay siniguro naman ng pamunuan ng DPWH na tuloy-tuloy ang kanilang pagtatrabaho dahil sa holiday rush na kasalukuyan nang nararamdaman sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Samantala, nakikipagugnayan na rin ang pamunuan ng DPWH sa iba pang mga ahensya gaya ng Land Transportation Office (LTO) para sa reinforcement sa pagsasaayos at pag-manage ng trapiko sa mga naturang daan.