Tumanggi nang magkomento si House Appropriations Committee chairman Rolando Andaya Jr. sa pagkakatalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Budget Sec. Benjamin Diokno bilang bagong Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) governor.
“No comment on Diokno” saad ni Andaya.
Magugunita na ilang beses na nagpatutsadahan ang dalawa sa mga nakalipas na taon dahil sa mga kontrobersiya na nakapaloob sa 2019 national budget.
Inungkat ni Andaya ang umano’y iregularidad sa mga practices na ipinapatupad sa Department of Budget and Management sa ilalim ng pamumuno ni Diokno.
Kabilang na nga rito ang issue sa umano’y pagpabor ni Diokno sa kanyang mga in-laws para sa flood control scam, na mariing itinanggi naman ng kalihim.
Makailang beses na ipinatawag ng kongresista si Diokno para sa kanilang inilunsad na imbestigasyon para rito subalit makailang beses ding hindi ito sinipot ng kalihim dahil sa masamang karanasan nang sumalang ito sa question hour sa plenaryo ng Kamara.