-- Advertisements --

Dapat nang ihinto ng Senado ang pakulo na ginagawa nito, ayon kay House Appropriations Committee chairman Rolando Andaya Jr.

Ito ay matapos na itanggi nina Senate President Vicente Sotto at Legislative Budget Research and Monitoring Office director general Yolanda Doblon ang isiniwalat ni Andaya na P83.9 billion na realignment na ginawa ng Mataas na Kapulungan sa ilalim ng 2019 proposed national budget pagkatapos na ratipikahan ng Kongreso ang bicam report para rito.

Sa halip na magpaligoy-ligoy, sinabi ni Andaya, na dapat isiwalat na ng mga senador ang individual realignments na kanilang ginawa sa proposed budget.

“I do not know why (the senators are) so afraid of making public their individual realignments. Wala naman tayong dapat itago sa publiko. As responsible officials tasked with budget authorization, we must all be ready to defend our positions and decisions,” saad ng kongresista.

Binatikos naman din nito ang paliwanag ni Doblon na ang realignments na ginawa ng mga senador ay naisapubliko naman.

“Kung matagal na pong alam ito ng publiko, hindi na ito ibabalita ng media. Journalists do no report old news,” dagdag pa nito.

Kaya nga raw siya napilitan na magkaroon ng full disclosure sa budget cuts at kanilang realignments matapos na tumanggi ang mga senador na magsalita at aminin ang naturang issue.

Hanggang sa hindi pa naaprubahan ang 2019 proposed national budget, patuloy na didipende ang operasyon ng gobyerno sa isang reenacted budget.