Hangad ni Andi Eigenmann na agad makabalik ang surfer at husband to be niya na si Philmar Alipayo matapos na umuwi muna sa hometown sa Siargao.
Ayon sa 31-year-old actress, kasama ng kanyang fiance ang mga volunteer para tumulong sa mga nasalanta ng Bagyong Odette ngunit titiyakin muna ang kaligtasan ng kanilang pamilya sa nasabing isla.
Nabatid na maliban sa bahay, napinsala rin ng bagyo ang pag-aaring beach resort ni Eigenmann kaya pansamantalang sa Maynila uli titira kasama ang tatlong anak.
Kung maaalala, iniwan ng anak ni Jaclyn Jose ang mundo ng show business upang mag-focus sa mommy duties habang nasa Siargao kung saan din daw niya nahanap ang sarili dahil sa payapang buhay.
“Sobrang simple at tahimik ng buhay sa Siargao, very warm and welcoming. To belong in a community like that coming from an industry na you’re constantly judged, and people always have something to say…it made me realize na this is the kind of life that I want for myself,” saad nito sa dating panayam.
Samantala, ibinunyag din ng mag-asawang Cebu-based video bloggers na sina Slater Young at Kryz Uy ang grabeng pinsala rin daw sa kanilang lalawigan dulot ng Bagyong Odette.
Bakas ang sentimyento ng 34-year-old TV personality sa pagsasabi na tila hindi raw gaanong nabibigyan ng pansin ang Cebu dahil lamang sa kakaunti ang mga larawan na nagpapakita ng lawak ng pinsala ng bagyo.
“I don’t think Cebu is getting heard or the rest of the victims of typhoon Odette. Just because you don’t see a lot of pictures about how bad it really is here,” wika nito.
Kuwento nito, kailangan pa nilang humanap ng lugar kung saan makakatiyamba ng internet connection para makapag-upload ng larawan at video.
Sa ngayon aniya ay wala pa ring suplay ng kuryente sa Cebu, maraming residente ang nawalan ng tirahan, napakahaba ng pila para lang makapagpa-gas, grocery at iba pa.
“3 days na, roads are still hard to access. If yung mga may bahay, affected, paano na kaya yung mga people living in shanties. Mag ingay tayo guys, spread the word,” saad nito.