Walang bakas ng panghihinayang kay Andrea del Rosario sa ginawang pagtanggi sa dapat na malaking papel nito sa isang teleserye.
Ayon sa 43-year-old actress, mas matimbang sa kanya na humabol sa pagkakaroon pa ng second baby lalo’t 11-years-old na ang kanyang panganay.
Tanggap na rin daw ng dating Calatagan, Batangas vice mayor na posibleng hindi na siya magkaanak sa normal na paraan kaya inihahanda niya ang sarili para sa isang IVF (in vitro fertilization) ngayong taon, alinsunod na rin sa payo ng kanyang doktor.
“As of the moment, nandu’n po ako sa process ng egg harvest, IVF, so, may mga instance na talagang masakit man sa loob ko… I had to beg off (to be part of The Broken Marriage Vow) because of that,” saad nito sa push.
Si Andrea ay isa sa orihinal na miyembro ng sumikat noon na all-female sexy pop group na Viva Hot Babes kasama sina Maui Taylor, Katya Santos, Gwen Garcia, Sheree Bautista, Jaycee Parker at iba pa.
Patok ang mga ito sa kanilang hit dance craze na “Bulaklak,” “Kikay,” “Basketbol,” at marami pa.
Sa ngayon ay limang taon na sila ng kanyang boyfriend na isang professional polo player at mayroon na ring anak sa dating karelasyon.