-- Advertisements --

Iginiit ng Malacañang na ang mahalaga ay humingi na ng paumanhin si Department of Foreign Affairs (DFA) Sec. Teddyboy Locsin kay Vice President (VP) Leni Robredo.

Ito’y matapos tinawag ni Sec. Locsin na “boba” si VP Robredo dahil sa reaksyon nito sa pagkansenla ng DFA secretary sa diplomatic passport ng mga dating DFA secretaries at ambassadors kasama na si dating DFA Sec. Albert del Rosario.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, malalim ang ibig sabihin o mensahe ng pag-sorry ni Sec. Locsin na pagkilalang mali ang kanyang nasabi.

Ayon kay Sec. Panelo, kilala naman talaga si Sec. Locsin sa makukulay na pananalita at hindi rin ito nakakaapekto sa kanyang performance bilang top diplomat ng bansa.

Iginiit pa ni Sec. Panelo na nagpapahayag lamang si Sec. Locsin ng kanyang saloobin o opinyon sa isang usapin at gumagamit ito ng makukulay na salita.

Magugunitang madalas nasasangkot si Sec. Locsin sa “namecalling” at pakikipagsagutan sa social media kung saan ito aktibo.