-- Advertisements --
Vice President Leni Robredo/ Photo courtesy of VP Leni Robredo

ILOILO CITY – Mariing itinanggi ni Vice President Leni Robredo na ang Liberal Party (LP) ang nasa likod ng pagpapalabas ng “Ang Totoong Narcolist” video.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Robredo, sinabi nito na parati na lang sinisisi ang mga LP na binansagang “dilawan” sa tuwing may lumalabas daw na black propaganda laban kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa kanyang administrasyon.

Vice President Leni Robredo interview

Ayon kay Robredo, dapat na pangalanan ng Pangulo ang mga miyembro ng LP na pinagdududahang nagpapakalat ng mapanirang video.

Magugunita na isang nagpakilalang “alyas Bikoy” na umano’y dating nagtatrabaho sa drug syndicate ang nagtuturo sa mga miyembro ng Duterte administration na may kaugnayan sa iligal na droga ang tinukoy sa “Ang Totoong Narcolist” video na kumalat din sa internet o YouTube.

Dagdag pa ng bise presidente, halos lahat ng mga kasapi umano ng LP ay lumipat na sa Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan (PDP LABAN) at wala na silang pera o resources upang gumawa ng paninira.

Ani Robredo, sa halip na maglustay ng pera sa paggawa ng black propaganda, mas mainam na ibuhos na lang daw nila ito sa pangangampanya.