-- Advertisements --

Tanging isang dam na lamang sa Luzon ang nagpapakawala ng tubig ngayong araw, kasunod ng pagsara ng apat na iba pang dam sa kanilang spillway gate na unang binuksan nitong nakalipas na lingo.

Ngayong araw, tanging ang Magat Dam sa Northern Luzon ang may nakabukas na spillway gate at nagpapakawala ng kabuuang 488.06 cms.

Ang bulto ng tubig na pinapakawalan nito ay mas mataas ng mahigit 100 cms mula sa dating pinapakawalan nito kahapon, Feb. 16 na pumapalo lamang sa 348.44 cms.

Samantala, matapos ang sunod-sunod na pagsara ng spillway gate ng apat na malalaking dam sa Luzon, nagrehistro ang tatlo sa mga ito ng bawas sa antas ng tubig sa kani-kanilang mga reservior.

Sa Binga Dam, nabawasan ito ng halos 50 sentimetro ng tubig habang 14 centimeters naman ang nabawas sa lebel ng Ipo Dam.

Sa Angat Dam, bahagya itong nabawasan ngunit nananatiling mataas ang antas ng tubig nito.

Umaabot pa rin sa 213.75 meters ang lebel ng tubig sa naturang dam, halos dalawang metrong mas mataas kumpara sa 212 meters na normal high water level (NHWL).

Sa kabilang dako, bahagya namang tumaas ang lebel ng tubig sa Ambuklao mula nang tumigil ito sa pagpapakawala. Sa kasalukuyan ay umaabot sa 761.63 meters ang lebel ng tubig nito, kulang-kulang 40 sentimetro bago maabot ang 752 NHWL.