-- Advertisements --
Nagbabala ang state weather bureau na maaari ng maabot ng Angat Dam ang minimum operating level nito na 180 meters sa susunod na 10 araw.
Ayon sa hydrologist ng ahensiya na si Richard Orendain, araw-araw ay nababawasan ang tubig ng dam ng 40 centimeters.
Ipinaliwanag din nito na kakaunti lamang ang pag-ulan sa watershed area dahilan para sa kakaunting tubig na pumapasok sa dam kumpara sa inilalabas nito na 75 cubic meters per second.
Sa huling tala nitong alas-sais ng umaga, nasa 182.63 meters na ang water level ng Angat Dam na maaari umanong umabot sa pagitan ng 176 at 178 meters sa katapusan ng Mayo.
Lubos na nakasalalay ang tubig ng Metro Manila sa Angat Dam, kung saan 90% ng suplay nito ng tubig ay nagmumula sa imbakan.