-- Advertisements --

Nagsimula nang magpakawala ng tubig ang Angat Dam para patubigan ang mga palayan sa Bulacan at ilang bahagi ng Pampanga.

Kinumpirma ni Josephine Salazar, National Irrigation Administration-Central Luzon director, na ang NIA ay nagpalabas ng tubig sa mga lugar sa north zone nito noong huling bahagi ng Disyembre.

Ito ay matapos mabuksan ang spill gate ng Angat Dam nang umabot sa normal na taas na 212 meters ang lebel ng tubig.

Sinabi ni Salazar na ang orihinal na schedule para sa pagpapalabas ng tubig sa irigasyon mula sa Angat Dam ay mula Enero 2 hanggang Mayo 15.

Nagpahayag siya ng kumpiyansa na ang mataas na lebel ng tubig sa reservoir ay magiging sapat para sa dry cropping season sa kabila ng El Niño phenomenon.

Ayon sa pinakahuling monitoring, ang lebel ng tubig sa dam ay nasa 214.08 meters.

Una na rito, matatandaang ang pagpapakawala ng tubig mula sa Angat Dam ay tinapos noong Miyerkules nang huminto ang mga nararanasang pag-ulan sa watershed nito.