-- Advertisements --

Napakinabangan pa rin ng ibang community pantries at barangay ang mga natirang produkto mula sa sariling community pantry ni Angel Locsin, halos isang linggo na ang nakakaraan.

Ito’y matapos magdesisyon ang 36-year-old actress na i-donate na lamang, sa halip na ipagpatuloy ang kanyang sariling community pantry na mala-mini grocery kung ilarawan sa Titanium commercial building sa Barangay Holy Spirit, Quezon City.

Bukod sa mga gulay na kinuha pa sa “bagsakan,” marami pang iba’t ibang produkto ang pinagpipilian gaya ng gatas, palaman sa tinapay, pati medical supplies, vitamins, at alcohol na karamihan ay mga donasyon.

Kung maaalala, tinapos lamang ni Angel ang maghapon ng kanyang birthday treat nitong April 23 matapos mabahiran ng kontrobersya dahil sa pagkamatay ng isang senior citizen na balut vendor habang nakapila.

Angel bday treat

Nabatid na patuloy ang paghikayat ng Disease Surveillance Unit sa lahat ng mga pumila sa event ng aktres na sumailalim sa kanilang libreng coronavirus test, lalo’t pasok ito sa incubation period o ‘yaong panahon na posibleng makaramdam na ng mga sintomas.

Sa ngayon ay apat na ang tumalima na magpa-test, at tatlo sa mga ito ang asymptomatic.

Sa panig ng wife to be ng producer na si Neil Arce, tila tahimik ito sa online world matapos ang huling update kung saan pinuntahan na pala ito ang pamilya ng nasawing tindero ng balut upang personal na makapag-sorry at tiniyak na tutulungan sa buhay.