Mismong si Angel Locsin na ang naghikayat sa mga pumila sa kanyang community pantry na sumailalim sa COVID (Coronavirus Disease) testing.
Katunayan ay ni-repost pa ng 36-year-old actress ang abiso ng Quezon City government hinggil sa libreng swab testing para sa mga residenteng nakaramdam ng sintomas.
Kung maaalala, isang 67-anyos na tindero ng balut ang ang nasawi habang nakapila sa kanyang community pantry sa Titanium commercial building sa Barangay Holy Spirit, Quezon City nitong Biyernes o kasabay ng kanyang kaarawan.
Una nang isinisi ni Locsin sa nangyaring singitan sa pila ang trahedya sa kanyang birthday treat.
Sa panig naman ni Quezon City Mayor Joy Belmonte, hindi umano naabiso ng maaga sa Quezon City Hall ang naturang community pantry plan ni Angel bilang kanyang birthday treat.
Ayon kay Mayor Belmonte, sasagutin ng city government ang pagpapalibing sa naturang zenior citizen at magbibigay din ng tulong pinansyal sa kaniyang pamilya.
Sana aniya ay magsilbing paalala ang trahedya sa mga organizer ng community pantry upang mapaghandaan ang crowd control.
“While Quezon City will continue to throw its full support behind community pantry initiatives, this unfortunate incident should serve as an important reminder for organizers to please be reminded of my appeal to coordinate all efforts with the barangay, and if necessary, with the LGU. The barangay and local government are here to assist with crowd control and health protocols, to ensure that untoward incidents are minimized,” saad ni Belmonte.
Nabatid na sa halip na alas-10:00 ng umaga pa ang official opening ng community pantry ng birthday girl, pinaaga ito matapos malaman na madaling araw pa lamang ay buhos na ang pila.
Matapos ang insidente, itinuloy pa rin ang birthday event hanggang alas-4:00 ng hapon kung saan naibalik naman sa ayos ang pila at pinagbigyan kahit ‘yaong mga wala talagang stub at mga nagpa-photocopy na lang ng stub.
Nabatid na ang mga stub ay ibinigay sa mga maayos na pumila para sa libreng food assistance at iba pang essential items.
Sa Maginhawa Street sa Quezon City unang umusbong ang community pantry, na ngayon ay isa nang movement na kumalat na sa iba’t ibang lugar, maging sa labas ng bansa.