CEBU CITY — Inaalam pa ng PNP kung ano ang anggulo ng pag-ambush patay sa isang radio broadcaster sa Brgy. Piapi, sa lungsod ng Dumaguete.
Kinilala ang blocktimer si Dindo Generoso, 67 anyos, at residente ng Brgy. Banilad ng nasabing lugar.
Ayon kay Police Chief Master Sergeant Julito Delora ng Dumaguete City PNP na sumakay si Generoso sa kanyang sasakyan papuntang DYEM-FM upang makapag-on board sa kanyang block time program.
Habang binabaybay, aniya, ni Generoso ang Hibbard Avenue sumugod agad ang isang di pa nakilalang riding-in-tandem at binaril agad ang naturang broadcaster saka naman ito tumakas.
Sinubukang isugod sa pagamutan ang broadcaster dahil sa tinamo nitong multiple gun shots ngunit dineklara itong dead on arrival.
Aalamin ng PNP sa isinagawang imbestigasyon kung may kinalaman ba sa trabaho ang anggulo sa pagpatay ng nasabing broadcaster.
Si Generoso na ang ikalawang biktima ng pag-ambush sa mga broadcaster mula nang mabiktima sa nasabing insidente ang broadcaster na si Edmund Sestoso noong Abril 2018.