Tiniyak ng mga lider ng Kamara de Representantes na bibigyan ng angkop na pondo sa ilalim ng panukalang P6.352 trilyong pondo para sa susunod na taon ang mga ahensya ng gobyerno na siyang dumedepensa sa teritoryo ng bansa kasama na ang West Philippine Sea gaya ng Philippine Coast Guard (PCG).
Ayon kina Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. at House Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe ang babalangkasing badyet ng Kamara de Representantes ay naaayon sa mga inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang katatapos na State of the Nation Address (SONA).
Sa susunod na linggo ay inaasahang sisimulan na ng Kamara ang deliberasyon sa panukalang 2025 national budget na isinumite ng Department of Budget and Management (DBM) sa Kamara noong Lunes.
Ayon naman kay Gonzales ilang beses ng sinabi ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na bibigyan ng pondo ang PCG gayundin ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).