Sumama na sa panawagan ang anim na dating kalihim ng Department of Health(DOH) laban sa paglilipat ng pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) papunta sa National Treasury.
Ang mga dating kalihim ay sumulat kay Finance Secretary Ralph Recto upang ipaalam ang kanilang pagtutol sa naturang hakbang.
Kinabibilangan ito nina dating Health Secretary Jaime Galvez Tan, Manuel Dayrit, Francisco Duque III, Esperanza Cabral, Enrique Ona Jr., at Paulyn Jean Rosell-Ubial,
Sa liham ng mga dating kalihim, umapela ang mga ito kay Recto na kanselahin ang paglilipat sa naturang pondo na nakatakda na bukas, Aug 21.
Saksi aniya sila sa sakripisyo ng mga pasyente na nahihirapang makakuha ng sapat na tulong medikal dahil sa umano’y ‘inefficiency’ sa social health insurance system ng bansa.
Inirekomenda ng mga ito na sa halip na ilipat ang pondo ay gamitin na lamang ito sa pagpapabuti sa serbisyo ng Philhealth at pagpapalawak sa benepisyo ng mga miyembro nito.
Maalalang unang inatasan ng Department of Finance ang Philhealth na i-remit nito ang mga hindi nagamit na pondo na halos P90 billion papunta sa National Treasury.
Gayunpaman, ikinatwiran ng kalihim na hindi mawawalan ng pondo ang Philhealth kahit pa iremit nito ang halos P90 billion na pondo.
Mayroon pa aniya itong hanggang sa P550 billion na pondo na sapat pa para maitaas ang benepisyo ng mga miyembro.