Inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation ang anim na indibidwal dahil sa pagkakasangkot nito sa kasong Estafa at Usurpation of Authority.
Kinilala ang mga ito na sina Flordelisa Almodal, Jocelyn Estanislao Constantino, Theresa Marie S. Reyes, Mercy Yñgoc Limbo, Marie Ann Yñgoc Baculo, at Ronnie Virata Tan.
Nahulog sa kamay ng mga operatiba ang nasabing mga suspect matapos ang ikinasang entrapment operation sa Mandaluyong City.
Nag-ugat ang kaso matapos na magreklamo ang isang contractor at sinabing ang mga nabanggit na indibiwal at ang kanilang cohorts na sina Gaddy Tuazon at Loida D. Reyes ay nag offer sa kanila ng Php1.3 Billion na halaga ng proyekto para sa konstruksyon ng isang Dam.
Iginiit ng mga suspect na mayroon silang koneksyon sa Department of Budget and Management (DBM) kung saan kukunin umano ang pondo at higit pang nagbigay ng katiyakan na igagawad ang proyekto sa Complainant.
Ang mga suspek ay nagtakda ng isang meeting kasama ang nagrereklamo upang mangolekta ng Php500,000.00 para sa dapat na grease money o dapat na paunang bayad para sa “Blueprint ng Proyekto”.
Dahil sa pagdududa sa mga representasyon ng mga suspek, lumapit ang nagrereklamo sa tanggapan ng NBI-OTCD para humiling ng pagsasagawa ng imbestigasyon at posibleng entrapment operation.
Matapos ang isinagawang beripikasyon ng ahensya, nadiskubre nito na ang mga subject ay hindi konektado sa DBM at ang proyekto ay hindi totoo.
Ang mga naarestong subject ay iniharap para sa inquest proceedings sa Office of the City Prosecutor ng Mandaluyong para sa kasong Estafa sa ilalim ng Article 315, paragraph 2(a) ng Revised Penal Code (RPC) through Falsification of Public Document and Usurpation of Authority o mga official functions sa ilalim ng Article 177 ng RPC.