Ibinunyag ngayon ng Department of Justice na mayroong anim na suspek na sangkot sa pagpatay kay John Matthew Salilig ang nagpahayag ng interes na sumuko sa mga awtoridad.
Sa isang ambush interview, kinumpirma ito ni Justice Secretary Jesus Crispin Boying Remulla at sinabing nais ng mga suspect na sumuko upang malinis ang kanilang pangalan at ang iba naman ay upang maging malinaw ang naging partisipasyon nito sa naturang Hazing.
Naniniwala ang kalihim na isa mga dahilan kung bakit hindi kaagad sumuko ang mga akusado ay dahil na rin sa kawalan ng abogado na makapagbigay sa kanila ng gabay kung ano ang dapat gawin.
Una nang sinabi ni Public Attorney’s Office chief Persida Acosta na hindi nila tutulungan ang mga miyembro ng fraternity na sangkot sa pagpatay kay Salilig.
Paliwanag ni Acosta na posibleng magkaroon ng conflict of interest dahil naunang lumapit ang pamilya ng biktima sa kanilang tanggapan.
Sinabi naman ni Remulla na kailangan pa rin ng mga defendant ng right to counsel dahil ito aniya ay isang constitutional right.
Giit pa ng kalihim , ang mandato ng PAO ay magsibing tagapayo para sa mahihirap na may kinakaharap na kaso upang magpatuloy ang legal na proseso.
Kung maaalala, nagtagpuan ang bangkay ni Salilig na nakabaon sa isang mababaw na hukay noong February 8 ilang linggo matapos itong mawala.
Sa isang pagdinig sa senado noong Martes ay inilahad ng isang saksi na napagpasyahan ng mga miyembro ng Tau Gamma Phi na huwag dalhin si Salilig sa ospital matapos itong magkaroon ng seizure habang isinasagawa ang welcoming rites ng naturang fraternity.
Hustisya naman ang sigaw ng pamilya ni John Matthew Salilig at umaasa ito na mapaparusahan ang mga responsable sa pagkamatay ng biktima.