Ipinakita na sa publiko sa unang pagkakataon ang malaking koleksyon ng mga mummified animals na nadiskubre sa isang sinaunang necropolis sa Egypt.
Natuklasan ito ng mga archaeologists noong nakalipas na taon malapit sa Step Pyramid of Saqqara sa katimugang bahagi ng kabisera ng bansa.
Dito ay tumambad ang daan-daang mga artefacts, kabilang na ang mga maskara, istatwa, at mga mummified na pusa, buwaya, ahas, at mga ibon.
Isinapubliko ng mga otoridad sa Egypt ang naturang mga artefacts sa isang exhibition malapit sa Saqqara necropolis.
Ayon naman sa ministry of antiquities ng Egypt, kasalukuyan silang nagsasagawa ng mga pagsusuri upang tukuyin kung mga lion cubs ang dalawa sa mga mummified na hayop.
Bihira raw kasi na makatuklas ng mga leon kumpara sa mga mummified na pusa.
Sa isang news conference, ipinagmalaki ng isang Egyptian official ang isang malaking scarab o isang uri ng beetle bilang isa sa pinakamahalaga nilang mga nadiskubre.
“The most lovely discovery out of those hundreds: that scarab,” wika ni Mostafa Waziri, secretary-general ng Egyptian Supreme Council of Antiquities.
“It is the biggest and [largest] scarab all over the world.”
Ang Saqqara ay isang ancient burial ground na nagsilbing necropolis para sa Memphis, na kabisera ng lumang Egypt sa loob ng 2,000 taon. (BBC)