ILOILO CITY – Nagpatupad ng Animal Quarantine Checkpoint ang Iloilo Province at Oton, Iloilo kung saan naitala ang pinakaunang suspected case ng African Swine Fever.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Dr. Darel Tabuada, Provincial Veterinary Officer, sinabi nito na hindi maaaring makapasok at makalabas ang mga baboy mula sa infected farm haggang sa kalahating kilometrong radius.
Ayon kay Tabuada, hinihintay pa ang confirmatory results ng mga samples na ipinadala sa Bureau of Animal Industry-Animal Diagnostics Laboratory matapos nagpositibo sa antigen test na isinagawa ng Regional Animal Disease Diagnostic Laboratory ang limang blood samples mula sa mga baboy sa nasabing farm.
Dagdag pa ni Tabuada, anim sa 177 na mga baboy na inaalagaan sa nasabing farm ay namatay kung saan hinihinalang nahawaan ng African Swine Fever.
Napag-alaman na ito ang pinakaunang suspected case ng African Swine Fever sa Western Visayas.