-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Pinababantayan ng 24/7 ang apat na strategic animal quarantine checkpoints sa Albay upang hindi makapasok ang banta ng African swine fever (ASF).

Kasunod ito nang pagpositibo sa ASF ng swine samples mula sa Bombon, Camarines Sur.

Dahil dito ipinag-utos ni Governor Al Francis Bichara ang mahigpit na pagtupad sa preventive measures.

Inilahad ni provincial veterinarian Dr. Pancho Mella sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi, tuloy-tuloy ang konsultasyon sa mga hakbang sa Regional Veterinary Quarantine Station.

Ilalatag ang extended biosecurity measures mula sa Tabugon, Camarines Norte; Polangui, Albay na daanan ng galing sa Buhi, CamSur; Libon sa mga mula Bombon at Nabua; Tiwi sa mga mula sa Sagñay, CamSur at boundary ng Daraga at Sorsogon province sa mga galing sa Mindanao, partikular na sa Bukidnon at Davao.

Wala ring lusot kahit weekends ang mga magtatangkang magpuslit ng live pigs, karne o pork products na walang kaukulang permit.

Inaasahang maglalabas ngayong araw si Bichara ng ilan pang direktiba para sa mga hog raisers ukol sa pagmonitor sa “deadly virus” sa mga baboy.