Ipinaalala ng grupong Philippine Animal Welfare Society (PAWS) na hindi Christmas gift ang mga alagang hayop.
Katwiran ng grupo, ang mga alagang hayop ay hindi mga laruan na pwede lamang ibigay bilang mga regalo ngayong Pasko, lalo na sa mga taong hindi pa handa para sa isang long-term commitment.
Nanindigan din ang grupo na ang mga hayop ay hindi parang material gift na basta na lamang binibigay; bagkus, ang mga ito ay pawang may sariling buhay na nangangailangan ng mental, emotional, at physical na pagkalinga.
Apela ng grupo sa publiko na ang paggawa ng kabutihan ay hindi lamang dapat para sa mga tao kundi maging sa mga alagang hayop na kalimitang nakadepende sa commitment ng sinumang may-alaga sa kanila.
Inihalimbawa rin ng mga ito ang ilang pagkakataon na kanilang namonitor sa mga nakalipas na taon kung saan nakakalimutan at napapabayaan ng mga indibidwal ang kanilang natanggap na regalong hayop matapos mawala ang excitement.
Pinayuhan pa ng grupo ang mga indibidwal na may natanggap na regalong hayop ngayong pasko na kung hindi naman kayang maibigay ang pangangailangan ng mga ito ay mas makabubuting tanggihan o ibalik na lamang ang regalo sa magalang na paraan.