Muling nagpaalala ang Philippine Animal Welfare Society (PAWS) sa publiko na tulungan o isalba ang stray animals sa gitna ng pananalasa ng bagyong Enteng sa bansa.
Saad ng animal welfare group na kapag nakakita ng mga hayop na nangangailangan ng tulong sa gitna ng masungit na panahon, alalahaning tayo ang kanilang pinakamalapit na lifeline.
Dapat din na bigyan ang mga ito ng kanilang matutuluyan, pagkain at maiinom at kapag kakayanin, tulungan silang mabigyan ng pangangalaga ng isang beterenaryo na kanilang kailangan.
Nagpaalala din ang grupo sa publiko na protektahan ang mga alagang hayop sa gitna ng hagupit ng bagyo.
Dapat aniya na mayroong evacuation plan at emergency kits ang mga pet owner na nakahanda para sa kanilang mga alagang hayop.
Dapat na alam din ng pet owners kung paano ilikas ang kanilang mga alaga ng ligtas kung saan maaaring gamitin ang laundry baskets at basins na paglagyan sa mga hayop.
Sakali man na hindi maisama ang mga alagang hayop, dapat na buksan ang kanilang cage at huwag silang igapos para mabigyan sila ng pagkakataong maka-survive o maisalba ng mga rescuer.