-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Nanggagalaiti sa galit ang aktres na si Annabelle Rama habang isinasalaysay niya sa Bombo Radyo ang kanyang hinaing sa dating aide ni Sen. Manny Pacquiao na si Jayke Joson.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Gensan kay Rama, sinabi niyang saksi siya sa kung paano pinerahan daw ni Joson si Pacquiao.

Kahit ang mga kaibigan niyang mayayaman sa America ay nakaranas din aniya nang pamemera umano ni Joson.

Sinisingil kasi ni Joson ang mga ito ng $1,000 para lamang umano makalapit kay Pacquiao, ayon kay Rama.

Ibinahagi rin ng aktres ang pagkakataon nang masaksihan niya ang pag-iyak ni Joson kay Pacquiao habang nagmamakaawa na bayaran ng senador ang mareremata niyang bahay.

Iginiit ni Rama na kaya galit si Joson kay Pacquiao dahil tinanggal ito ng senador sa Team Pacquiao.

Patutsada pa ng aktres na binayaran lamang si Joson para siraan ang senador.

Sa kabilang dako ay maghahain naman ng kaso si Rama laban kay Joson matapos siyang tawagin nitong swindler.

Una na ring nagbanta si Joson na kakasuhan din niya si Rama bunsod umano nang paninirang puri.