Mistulang “waiting game” sa mga showbiz fanatics kung sino ang magiging katambal ni Manila City Mayor Isko Moreno na siyang bibida sa nilulutong biopic o pelikula patungkol sa buhay ni Gat Andres Bonifacio.
Ito’y kasunod ng pag-amin ng actor turned mayor na interesado siyang makasama sa pagbabalik sa acting career sina Anne Curtis at Bea Alonzo.
“Ngayon? Kaya lang may asawa na eh. ‘Yung sa Showtime — Anne Curtis. Saka si Bea (Alonzo),” saad nito sa panayam ni Karen Davila.
Una nang inihayag ng 46-year-old celebrity politician na wala pang napipili si Direk Erik Matti para gampanan ang papel ni Gregoria de Jesus na pangalawang asawa ni Bonifacio, matapos pumanaw ang unang misis.
“Maypagasa” ang working title ng nasabing pelikula na magsisiwalat umano sa ibang pang impormasyon tungkol sa buhay ni Bonifacio na hindi pa naipapakita sa mga nakaraang Bonifacio movie.
Ayon pa kay Isko o Francisco Moreno Domagoso sa tunay na buhay, tila akma ang nabanggit na pamagat ng pelikula para sa pakikipaglaban pa rin ng bansa sa coronavirus pandemic kung saan nagbibigay ito ng pag-asa na balang araw ay makakamit din natin ang kalayaan sa naturang nakakamatay na sakit.
Samantala, sa kabila ng inaasahang pagiging abala sa kanyang “comeback movie,” tiniyak ni Isko na mananatili pa rin niyang prayoridad ang kanyang regular schedule sa city government.
Kung maaalala, napabilang na rin si “yorme” sa “Bonifacio: Ang Unang Pangulo” na pinagbidahan pa ni Robin Padilla noong 2014 at tinanghal na Best Picture sa 2014 Metro Manila Film Festival.
Gumanap pa si Isko rito bilang si Padre Burgos.